Si Lila sa Paborito niyang Pwesto
<UNDER MAJOR REVISION>
Sadyang masikip ang mundo para sa mga taong nakatakdang magkita.
At mas lalong masikip ang eskinita kung saan ko unang nakita
noon ang nakatingalang si Lila. Parang may hinihintay. Parang naghahanap ng
meron sa kawalan. Parang nakatanaw sa
maraming bituin nang alas singko y medya ng maambong hapon habang tila iniisip
na ang masikip na eskinita ang mumunting uniberso.
Una ko siyang nakita sa paborito niyang pwesto habang
nagmamadali akong makauwi galing sa trabaho, sa mall bilang part-time bagger.
Part-time tambay kapag nasa bahay at binubungangaan nang bigtime ni nanay.
Pagkatapos
maiabot sa pedicab driver ang sampung pisong pamasahe at bumaba ng sasakyan,
sinipat ko ang oras sa relong nakasuot sa kaliwang pulsuhan. Nakatakip sa ulo
ang kanang kamay bilang pananggalang sa ulan.
Pambihira.
Paniguradong aambon na naman sa bahay ng "Wala ka talagang kwentang
anak!".
Napalunok
ako no'n nang maisip ang posibleng kahihinatnan ko pag-uwi. Takbo-lakad ang
ginawa ko. May nakakabangga, nakakasalubong at nakakasabay pero wala nang
panahon para usisain kung sino-sino. Kailangang magmadali bago pa ang ambon e
mauwi sa pagbuhos ng "Putangina, Angelo! Lumayas ka dito!"
Napabuntong-hininga
ako nang maalala ang mala-teleseryeng drama ni nanay tuwing makakarating ako
nang lampas sa itinakda niyang oras.
Mahaba-haba
at pasikot-sikot ang eskinitang kailangan kong suungin para makarating sa
bahay. Una, papasok sa unang eskinita mula sa labas ng looban. Pagkarating sa
kanto, liliko sa kaliwa para makarating sa pangalawa. At kakanan. Bubungad ang
barbeque-han ni Aling Lusing. 'Tapos liliko sa kanan ulit. Simula doon,
makikita ang poste ng kuryenteng isang malakas
na tulak na lang ang kailangan, susuko na sa pagkakabaon sa lupa at
diretso na hanggang sa makarating sa dulo kung saan nandoon sa kanang bahagi
ang mumunting kaharian naming mag-ina katabi ng sari-sari store ni Ate Beth na
madalas maging sara-sara store kapag naubos ang pinuhunang napupunta lang naman
sa tiyan ng malusog niyang anak na si Otep.
Nasa pangalawang eskinita na ako no'n nang dahan-dahang
bumagal nang kusa ang pag-uunahan ng mga binti ko sa basang daanan. Nasa
eskinitang 'yun na ako nang madatnan ko si Lila sa posisyong 'yun. Sa paborito niyang pwesto. Sa labas ng pinto
ng isang bahay, nakaupo at nakatingala. Sa eskinitang pinapagitnaan ng paupahang bahay at ng mataas na pader na
pagmamay-ari ni Bebeng na may asawang porener.
Hindi pamilyar noon ang rehistro ng mukha niyang may
pagka-hapones o koreana kaya inisip ko kaagad na bagong lipat siya sa bahay na
pinapaupahan ni Mang Greg.
Lampas sa balikat ang haba ng buhok niya. Full bangs pa.
Singkit. Matangos ang ilong. Maputi.
Nawala sa isip ko na kailangan kong magmadali nang makita ko
siya. Parang may inbisibol na pader sa bahagi niya at hindi ako makadaan.
"Arigatou! Annyeong!" bati kong nakangiti nang
hindi alam kung anong ibig sabihin ng salitang sinabi ko. "Mushi,
mushi!" Ipinagdikit ko pa ang dalawang palad at yumuko nang ilang beses.
Ginalaw niya ang mga mata papunta sa direksyon ko para
tingnan ang ginawa ko habang nanatili sa pagkakatingala.
Gusto kong usisain kung anong meron sa itaas at panay ang
tingala niya. Napatingala na rin ako at napakamot nang maisip na wala namang
espesyal sa bahagyang madilim at umiiyak na langit at mga nagkandabuhol-buhol
na kawad ng kuryente na sumakop sa paningin ko.
"Anong nangyari sa'yo?" natatawang tanong niya noon nang
tuluyan niya na 'kong binalingan ng pansin.
Biglang napababa ako ng tingin at medyo napatalon nang
magsalita siya ng Filipino. Hindi ko pa napagbigyan nang husto ang reaksiyon ko
nang humagikhik siya.
"Okay ka lang, Kuya?"
Magkasing-edad lang kami pero tinawag niya akong kuya bilang
paggalang daw.
Nagpatuloy siya sa pagtawa habang sumusunod sa galaw ang
bangs niya. Ang weird ng tawa niya. Parang may lumuwag na turnilyo sa utak
niya.
Napatingin ako nang unti-unting nawala ang ngiti sa mukha
niya, tumigil at tumingala ulit.
"Parang ewan ang langit, no? Parang ang simple lang para
sa kanyang bitawan ang ulan at ibagsak sa kung saan 'pag nabibigatan na
siya." Bumaba ang tingin niya sa harap ng
katapat na malapad na pader. "Tingnan
mo 'yung ulan, pabagsak na naman siya sa bumbunan ng mga walang payong, sa
bubong o sa lupa. Para sa ibang naaabala, hihilingin nila sa langit na sana
tumila na. Pero para sa iba, masaya o may kakaibang dala ang presensiya ng ulan. Haaay, 'pag tumila
mamaya, mawawala ang bakas na ginawa ng langit. At magpapatuloy ang takbo ng
buhay ng tao na parang walang ulang nagbigay ng kakaibang pakiramdam, o
gumambala o nagpasaya sa kanila."
Naguluhan ako sa kinikilos niya at nagulat sa mga sinabi niya.
Sa mga oras na 'yon, isa lang ang naging malinaw sa'kin... biglang mag-iiba ang
pagtingin ko sa pangkaraniwang araw na pagdaan ko sa eskinitang 'yon.
Nagpaalam siyang papasok na sa loob ng bahay kaya bigla kong
naalalang kailangan ko nang umuwi.
Gaya ng inaasahan, malulutong na putangina't langhiya ang
nasalo ko mula sa nag-aalburutong bibig ni nanay. Halatang hindi siya sweet
kapag sinasalubong niya ako pag-uwi pero diabetic siya. Naputol ang isang paa
niya dahil sa komplikasyon. Laging iritable. Lagi niyang banta sa'kin ang
paalisin ako sa bahay pero alam ko namang takot siyang iwan ko siya. Dalawa na
lang kami. Isa lang akong anak. Namatay si tatay nung nakaraang taon. Na-tokhang.
Aminado namang gumagamit ng droga, sumuko pero tinira pa rin sa isa sa mga
eskinita ng looban. Sa lugar kung saan ko unang nakita si Lila.
Kinabukasan, pagkauwi, nagulat ako nang maabutan ko na naman
siyang nakaupo sa pinto ng bahay nila. Nakatingala pero napalingon at napangiti
nang makita ako. Naikuwento kong natural na sa mga demonyo ng looban ang
makipagsukatan ng sungay kaya delikado para sa kanya ang maglagi sa labas.
Sinagot niya ako ng "Bakit?". Nakunot ang noo ko. Tanong din ang
naging tugon ko.
"Kasi baka mamatay ako? 'Lam mo ba, kuya, matagal nang
patay ang karamihan ng tao?"
Lalong nalukot ang noo ko. Ang hirap makipagkuwentuhan sa
kanya. Siya lang ang nakakaintindi.
"'Yung mundo natin ang salarin kaya marami ngayong
nagpapanggap pang buhay."
Para akong cellphone na mahina ang signal. Hindi ko masagap
ang mga pinagsasabi niya.
Sa araw-araw na pagdaan ko sa eskinita, mas nakikilala ko si
Lila. Hindi naman pala siya ilap sa tao. May pagkadaldal siya. May
pagka-isip-bata minsan. Mahilig siya sa kakaibang kuwentuhang minsan mahirap
sabayan. Kung ano-anong topic ang
bigla-biglang sasagi sa isip niya. Tulad na lang noong sabado.
"No'ng bata pa ako, sabi ng kakilalang manghuhula ni
mama, 'pag medyo matanda na raw ako, magbibigti raw ako. 'Di naman ako natakot.
Minsan nang sumagi 'yun sa isip ko, pero kawawa si mama. Swerte lang ng
gobyerno kung ganun."
"Bakit swerte?" tanong ko
habang binibilog ang nakuha kong kulangot.
"Kuya, nakapatong na sa ulo natin ang buwis simula
pagkabata natin. Kasama sa paghulma ng pagkatao natin ang tax. Isipin mo, 'yung
ginamit na diaper at gatas, may tax 'yun. 'Yung lahat ng gamit natin ngayon,
may tax. Tapos ngayon, papakamatay ako? Gagastos ng kabaong. Kape. Chichirya.
Lapida. Mapupunta lang sa gobyerno tax nun o sa mga bulsa ng buwaya kaya 'wag
na lang. Titiisin ko na lang."
Natawa ako ng sinabi niya 'yun. Naisip pa niya talaga ang mga
bagay na hindi na napapansin ng iba.
"Siguro 'pag malapit nang magunaw ang Earth tapos pwede
nang tirhan ang Mars, eeksena na naman ang mga gahaman. Magkakandarapa silang
mauna sa Mars. 'Yung lupang nandun, gagawan nila ng titulo. Mapapasakanila ang
mga 'yun. 'Pag dumating ang mga dukha sakay ang spaceship na pinagawa rin nila,
wala nang matitirang lupa para sa kanila. Walang matitirhan kung 'di magbabayad
o 'di kaya ang magpakaalipin ang solusyon," pagpapatuloy pa niya.
"Tangina, ang layo nang napuntahan ng kuwento mo,
ha!"
Nag-iba ako ng usapan. Tinanong ko sa kanya kung nasaan ang
magulang niya at kung bakit lagi siyang nasa labas. Matipid lang niya kong
sinagot na nasa trabaho raw.
Ayun kay Ate Beth, kapag palabas daw siya sa looban para
bumili ng paninda, madalas daw siyang nakakarinig ng away mula sa loob ng
inuupahang bahay nina Lila. Napag-alaman ko naman kay Mang Greg na mga magulang
ni Lila ang sinabing nag-aaway. Hapon daw ang tunay na ama ni Lila pero lumaki
siya sa Pinoy na ama.
Napagtanto kong maraming kuwento si Lila tungkol sa maraming
bagay pero ang kuwento ng buhay niya, hirap siyang buksan. Hanggang sa isang
araw.
"Bakit ba, kuya, 'pag may babae ang lalaki, 'di
pinapakawalan ng nauna? 'Di ba dapat 'di na pinag-aaksayahang pag-agawan ang
taksil? Siya na nga 'tong basura, pag-aagawan pa? Bakit kaya ganun, kuya, 'no?
At bakit rin kaya gusto ko pang mabuo kami kung may isang kamatis nang
nabubulok? Haaay, ang hirap maging tao."
Nakaramdam ako ng lungkot sa sinabi ni Lila. Sa ilang buwang
pagkakakilala ko sa kanya, lahat ng sinasabi niya may gustong sabihing iba
kahit pa parang kalmado lang niyang sinasabi. Parang librong may mababaw na
salitang ginamit pero may malalim na nilalaman.
Domoble ang lungkot sa nalaman ko. Hindi ko inakalang 'yun na
pala ang huling mga salitang maririnig ko mula sa kanya. Hindi ko na siya
muling nakita sa labas ng pinto ng bahay nila. Hindi ko na nakita pang muli ang
naniningkit niyang mata lalo kapag tumatawa. Wala nang Lilang sumasalubong
sa'kin pag-uwi.
Hindi ko alam. Masikip ang eskinita. Masikip ang mundo para
sana mahanap ko siya pero halos anim na buwan na pero wala pa rin. Sumisikip
ang dibdib ko.
Nalaman ko kay Mang Greg na naghiwalay ang mga magulang ni
Lila. Isinama siya ng mama niya. Kung saan, hindi ko alam.
Hindi ko alam. Ang bigat sa pakiramdam.
Araw-araw akong humihinto sa paboritong pwesto ni Lila.
Isang araw, galing sa trabaho. Makulilim ang kalangitan.
Nabato ako sa kinatatayuan ko nang makita ang pamilyar na buhok, full bangs.
Si Lila, nakaupo sa paborito niyang pwesto. Nakatingala.
Agad akong tumakbo. Nilapitan siya. Tinawag ko ang pangalan
niya.
Nagulat ako sa itsura niya. Madumi. Magulo ang buhok. Sugatan
ang pulso.
Binanggit ko ulit ang pangalan niya. Hindi siya nagsalita.
Patuloy lang siya sa pagtingala.
Hindi ko napigilan. Niyakap ko siya.
"Sino ka?"
Kinabahan ako sa tanong niya. Iba ang pakiramdam ko. Iba ang
tono ng pagkakasabi niya. Malalim at basag.
Kumalas siya sa pagkakayakap ko.
"Nasaan ako?! Ma, sabi ko naman sayo. Sayang ang
kabaong. Sayang. May tax." Tumingin siya sa'kin. "Sino ka?!"
Balisa ang mga mata niya. Kung saan-saan tumatama ang paningin niya.
Nagsisigaw-sigaw siya. Pinupukpok ang ulo. Tiningnan niya ko. "Sino ka?
Sabihin mo, kinuha mo si mama?!"
Ayaw tanggapin ng utak ko ang nangyayari.
Inalala ko ang mga kwento niya. Inalala ko ang mga tawa niya.
Ang pagtawag niya ng kuya.
Tumulo ang luha ko.
Kasing sikip ng eskinita ang dibdib ko.
May mas nakakatakot pa pala sa demonyong nakikipagsukatan ng sungay sa
looban, Lila. Mas malakas siya. At
tinalo ka niya. Sabi mo titiisin mo?
---



Mga Komento
Mag-post ng isang Komento