Kalusugang Pangkaisipan: Digmaang Sama-samang Pagtatagumpayan
HINDI NA NGA marahil maaalis sa dila ng karamihan sa mga Pilipino ang mga salitang "siraulo", "may saltik", "baliw", “abnoy", "kulang-kulang", "buang", "salot", "ulol", "takas sa mental" at iba pang salitang naging ka-partner na ng pulutan, kantsawan, tuksuhan, biruan, sumbatan, usapan at kuwentuhan. Ngunit seryoso man itong ibinibigkas o hindi, sumasalamin pa rin ito sa sipat ng lipunan ukol sa isa sa kasalukuyang pinakaseryosong isyung pangkalusugan ng bansa at maging ng buong mundo, ang Mental Health. Ang kalusugang pangkaisipan, lusog-isip o Mental Health ay karaniwang nangangahulugan ng kawalan ng anumang uri ng sakit sa pag-iisip o mental illness at pagkakaroon ng maayos na pag-iisip. Ito ay tungkol sa kung paano nag-iisip, nakakaramdam at kumikilos ang isang indibidwal. Ayon sa World Health Organization o WHO, ang Mental Health ay ang estado ng kaginhawaan ng isang tao na kung saan ...