Kalusugang Pangkaisipan: Digmaang Sama-samang Pagtatagumpayan


HINDI NA NGA marahil maaalis sa dila ng karamihan sa mga Pilipino ang mga salitang "siraulo", "may saltik", "baliw", “abnoy", "kulang-kulang", "buang", "salot", "ulol", "takas sa mental" at iba pang salitang naging ka-partner na ng pulutan, kantsawan, tuksuhan, biruan, sumbatan, usapan at kuwentuhan. Ngunit seryoso man itong ibinibigkas o hindi, sumasalamin pa rin ito sa sipat ng lipunan ukol sa isa sa kasalukuyang pinakaseryosong isyung pangkalusugan ng bansa at maging ng buong mundo, ang Mental Health.

Ang kalusugang pangkaisipan, lusog-isip o Mental Health ay karaniwang nangangahulugan ng kawalan ng anumang uri ng sakit sa pag-iisip o mental illness at pagkakaroon ng maayos na pag-iisip. Ito ay tungkol sa kung paano nag-iisip, nakakaramdam at kumikilos ang isang indibidwal.

Ayon sa World Health Organization o WHO, ang Mental Health ay ang estado ng kaginhawaan ng isang tao na kung saan napagtatanto niya ang kanyang sariling kakayahan, nakakayanang paglabanan at harapin ang pangkaraniwang hamon ng buhay, nakakapagtrabaho nang produktibo at nakakatulong sa kumunidad.

Kung pagbabasehan ang mga inilatag na depinisyon, hindi maitatangging ang mental health ay nakakaapekto at yumayakap sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Ito ay katumbas ng physical health. Kaya kung hindi man tumugma sa gitnang guhit ng sobra at kulang, siguradong gigiwang ang balanse. Parang masakit na ngipin na ayaw tantanan ang nanananghalian.  Parang rayuma na nagpapagising sa malalim na tulog ng matanda. Parang muta na nakaharang sa malinaw na paningin ng empleyadong nakaharap sa computer. O parang sugat sa kamay na nakakaabala sa estudyanteng nagsusulat. Nanggugulo. Nantitisod sa "normal" na takbo ng buhay. Ngunit hindi katulad ng pisikal na sakit, ang karamdamang nanggagaling sa utak ay tila palaisipan at malaking hiwaga para sa karamihan. Tila ba awtomatikong namamanhid at nabibingi ang lipunan. Kung sabagay, mas madali nga namang maintindihan kung idadahilan ng tao na may kanser siya kaysa kung sasabihin niyang hindi maayos ang tinatakbo ng isip niya kaya unti-unti siyang nawawalan ng ganang mabuhay. Kung sabagay, isip nga naman ang may problema kaya madaling sabihing "nasa isip mo lang lahat 'yan". Ganoon 'yun, hindi ba? Ngunit marami ang nakakalimot na ang utak ang isa sa pinakaimportanteng parte ng  katawan. Ang utak ang nagmamanipula at siyang "utak" sa bawat lipad ng ideya't imahinasyon, pitik ng mga daliri't kamay at galaw ng dilang sinasabayan ng boses. Marami ang nakakalimot na ang kalusugan ng isip ay kalusugan ng pangkalahatang pangangatawan.

Pero bakit nga ba nakakabahala na ang kasalukuyang estado ng  kalusugang pangkaisipan?

Ayon sa tala ng WHO, halos kalahati ng populasyon sa buong mundo ay may karamdaman sa pag-iisip. Pangatlo ang mental disorder sa mga itinuturing na disabilities ng Pilipinas. Isa sa bawat limang taong karaniwang nasa edad 20 hanggang 40 ang nagkakaroon nito. Schizophrenia ang nangungunang brain  disorder sa bansa na sinusundan naman ng depression at anxiety.

Ang Schizophrenia ay isang malalang kondisyon sa pag-iisip na kung saan nakakaranas ang pasyente ng hallucination at delusion na nakakaapekto sa kanyang pang-unawa, kilos at pananalita. Ayon sa mga datos, isa sa bawat 250 katao sa buong mundo ang may Schizophrenia at dalawampu't apat na porsiyento ng mga nagpapakunsulta at naghahanap ng lunas-sikolohikal ay mayroon nito. Noong 2012 naman, lampas isang milyon sa buong mundo ang nagkitil ng sariling buhay na nakaugat sa hindi maayos na takbo ng pag-iisip, depression o anxiety. Sa Pilipinas, umabot sa 2,558 ang kaso ng suicide o nasa pito katao kada araw. Ayon sa 2010 National Census, tinatayang 200,000 Pilipino ang may mental disability. At isa pang masamang balita, hindi ligtas ang kahit na sino; mayaman man o maralita, sikat o hindi, bata o matanda, babae o lalaki, maaaring tamaan ng sakit na ito.

Sa kasalukuyan, ang National Center for Mental Health sa Pilipinas na may 4,600 bed capacity ay nagsisilbi sa mahigit-kumulang tatlong libong in-patients  kada araw at ang bilang na ito ay karagdagan sa 56,000 na nagpapakunsulta kada taon. Ito ay nasa NCMH pa lamang. Paano pa kaya sa ibang ospital at institusyon? O ang mas nakakabahala pa, paano ang mga taong hindi nabigyan ng pagkakataong masuri ng mga espesiyalista at hindi nasakop ng mga datos?

Nakakapangilabot. Kung hindi na isang magandang balita ang makarinig ng isa o dalawang taong namatay dahil sa suicide o taong nawalan ng katinuan, paano pa kaya kung ang isinisigaw ng mga datos ay libo o milyon? Naging malupit nga ba ang lipunan?  Ano nga ba ang nagawa ng mundo para danasin ito ng ilan? Ano na ang ginagawa ng iba't ibang sektor ng lipunan sa isyung ito?

Hindi maganda ang mga unang impresyon ukol sa isyu ng mental health. Nandodoon ang mental health stigma. Awtomatikong rumerehistro sa utak ng karamihan ang mga salitang "bayolente" at "mapanganib" kapag nababanggit ang kapansanan sa pag-iisip. Minsan pa nga ay paparatangan ng kulang sa atensiyon at pagkalinga. Isama pa ang ilang negatibo at insensitibong paglalarawan sa telebisyon at media. Tila ba isang parusa ng lipunan ang masasakit na tingin nito sa mga taong nakakaranas ng hindi balanseng takbo ng pag-iisip. Tila ba nagpapakita ito na kung sino pa ang may maayos na pag-iisip at may kakayahang umunawa ay siya pang nahihirapang umintindi. Kung ang mga walang kapansanan nga ay nakakaranas ng pang-aabuso at natatanggalan ng karapatang pantao, paano pa kaya ang mga may problema sa kalusugang pangkaisipan?

Mabuti na nga lamang at unti-unti nang nagkakaroon ng pagtanggap dahil sa unti-unting pagbabahagi ng kuwento ng mga taong nakaranas at patuloy na nakakaranas nito. Sa katunayan, parami na nang parami na rin ang iba't ibang grupong sumusuporta sa adhikaing mapabuti at mabigyan ng karampatang atensiyon ang mga may kapansanan sa pag-iisip. Ngunit dapat ring pakatandaang hindi lang depression at anxiety ang umiikot sa salitang mental disorder. Kasama rito ang Schizophrenia, ang nangunguna sa listahan ng mental disorder sa bansa, at iba pa na madalas na hindi gaanong nabibigyan ng atensiyon ng mga support groups at media.

Isa pang mabuting balita ay ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11036 o mas kilala bilang Philippine Mental Health Law of 2018 noong ika-21 ng Hunyo taong 2018. Kinikilala ng batas na ito ang karapatan ng bawat Pilipino sa maayos na kalusugang pangkaisipan at karapatan ng mga taong may kapansanan sa pag-iisip na bumuti ang kanilang kalagayan. Nilalayon din ng batas na ito na ibaba sa mas mababang lebel ang mga abot-kayang serbisyong mental, neurolohikal, at sikososyal upang umabot ito maging sa mga barangay. Inaasahan ding mapapalaganap sa mga paaralan, lugar ng trabaho at komunidad ang usapin ukol sa kalusugang pangkaisipan. Umaasa ang mga may-akda na sa pamamagitan ng agarang pagpapatupad ng nasabing batas ay makakapagligtas sila ng napakaraming buhay.

Ngunit hindi magiging epektibo ang Republic Act 11036 kung ang pamahalaan lang ang kikilos—bagama't ito ang kanilang mandato—at kung ipapatupad ang batas na ito nang walang malinaw na suporta ng sambayanan. Hinding-hindi rin ito garantiyang matutugunan ang problema sa mental health kung mapapabilang lang  ito sa libo-libong iba pang mga batas na ipinasa't isinalibro ngunit hindi nabigyan ng pangil.

Kulang ang tinatayang isang psychiatrist sa bawat 200,000 Pilipino sa buong Pilipinas. Sa kasalukuyan, nasa mahigit isandaang milyon na ang mga Pilipino.   Kung ang isandaang milyong ito ay makikiisa sa pagtataguyod ng layunin ng Republic Act 11036,  magkakaroon ng pag-asa at liwanag ang mga taong nakakulong sa karimlan.

Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagsisimula sa sarili mismo. Nawa'y maging sensitibo tayo sa mga sinasabi at kinikilos natin sa harap ng mga taong nakakasalamuha, nakakasalubong at nakakasabay dahil hindi natin alam kung gaano kalawak ang digmaang kanilang kinakaharap. Nawa'y mas lalo nating maunawaang hindi kagustuhan ng mga may karamdaman sa pag-iisip na magkaroon nito. Ito ay sakit na kinakailangang mabigyan ng lunas; bagama't ang sakit na ito ay hindi kailanman kakatawan sa kabuuang pagkatao ng isang indibidwal. Nawa'y maintindihan ng bawat isa na ang mga taong ito ay may pangalan, kakanyahan at dignidad na dapat igalang at kuwentong dapat pakinggan.

Tama na ang pagtuturuan. Tama na ang paulit-ulit na pagdadahilan at pangangalandakang kayang-kayang lampasan ng lahat ng Pilipino ang anumang unos ng buhay.  'Wag sana nating hayaang masanay ang ating mga mata sa kalagayan nila nang wala man lang ginagawa para mabago ito. Dahil aminin man natin o hindi, may mga tuhod na bigla na lamang humahalik sa lupa, sumasambit ng pagsuko sa kawalan at bumubulong ng paghingi ng saklolo. Para bang taong humahanga at pumapalakpak sa kanyang kaibigan dahil sa pinapakitang katatagan at tapang nito sa kabila ng iniindang sakit sa dibdib dulot ng kutsilyong nakabaon dito. Ito ay sa pag-aakalang ito ang pinakamainam na maitutulong niya para sa kaibigan. Hindi niya napagtatantong ang pagbunot ng kutsilyong nakabaon sa dibdib nito ang totoong tulong na pupuwede niyang maibigay.

Kinakailangan natin silang pakinggan at samahan sa gitna ng bagyong kanilang kinakaharap. Hindi ba't mas mainam kung tayo mismo ang pupunta sa lugar kung saan binabayo ng bagyo ang kinatatayuan nila at dahan-dahan silang akayin pabalik sa bahay sa halip na payuhan lang silang sumilong at turuan kung anong dapat gawin? Dahil sa pagbibigay-buhay ng mga salitang "hindi ka nag-iisa" at "nandito lang kami", nagkakaroon ng pag-asa.

Ngayon, kinakailangan pa bang dumami ang mga numerong isinisigaw ng mga datos bago tayo kumilos?

Kinakailangan pa bang araw-arawin tayong tapikin ng mga balita ng pagpapatiwakal?

Kinakailangan pa bang hintaying humaba ang mga pangalang dinapuan ng karamdamang ito?

Kinakailangan pa bang umabot at maranasan natin mismo o ng ating mga mahal sa buhay ang problemang ito?

Hanggang kailan tayo bubuhayin ng pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan?

Hanggang saan aabot ang bansang hitik sa dami ng mga mamamayang tinakasan na ng tino at bait?

Ang paglalaan ng suporta sa mental health ay paglalaan ng suporta sa pagpapa-unlad ng bansa. Ang pagpapabuti sa kalusugang pangkaisipan ng bawat Pilipino ay pagmamalasakit sa kinabukasan ng mahal nating Pilipinas.


Nawa'y samahan natin silang  puluting muli ang kanilang kalasag at  espada.

Matutuldukan ang sanaysay na ito ngunit hinding-hindi dapat ang laban nila.

----

Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 10







Mga Komento